Wednesday, February 6, 2008

PARES NG TSINELAS

Sa simula nang isinuot mo ako
Nung bagong magkakilala pa lang tayo
Marami ng narating at dinaanan
Sa maliwanag na pasyalan ng syudad
O kahit sa madilim na sinehan
Hindi mo ako nagawang iwan
Habang ako ay iyong tinatapakan.

Pagkatao mong mabigat aking pasan
Maaaring sing bigat ng sako ng bigas
O kahon-kahon na bulak man
Hindi ako namili kahit sino ka pa
Ako ay isang piping saksi lamang sa lihim nating lakaran
Sa maingay na patyo ng eskwelahan
O kahit na lumubog man sa putikan.

Sa mga oras ng aking paglalakbay
Makabuluhan man o lakwatsahan lang
Hindi ko namalayang pudpod na pala
Ang bahagi ng swelas ko na iyo ng kinaladkad
Pero gusto kong malaman mo
Na kahit anuman ang mangyari
Masaya ako sa pinagsamahan nating natatangi.


-- Marylet H. Ilagan

1 comment:

canlee said...

Nakakatuwa ang tula kahit na maraming nagamit na "adjectives" dahil puno ito ng kwento, mula umpisa hanggang sa dulo. Parang ipinapaalala nito na may isang bagay na handang sumama o makisalo sa ating mabigat na problema kahit na sa huli ay itatapon din natin ito.