Wednesday, February 6, 2008

AKO'Y ISANG MALAKING BATO

Ako ay isang malaking bato
Sa ilalim ng mayabong na puno,
Gawa sa bagong halong semento
May krus sa ibabaw nito

Nakaukit sa aking harapan
Isang quadradong marmol
Animo perlas na nagsisilbing lakas
Sa gayon, masulyap ka bukas

Sa loob ng biyak at mga butas
Ay may teritoryo ng langgam
Kahit sa kasingit-singitan
Karamay ko sa tiis at hirap

Mabuti pa sila na aking kasama
Nandyan kahit sa pagluha ng ulap
Tunay silang kapamilya
Hatid ay malamig na ligaya.

Samantalang dako pa roon
May kapisan akong poon.
Nawa’y panalangin ay matugon
Sana’y mapawi ang lumbay

Naalala ko ang iyong itinirik
Kandilang nagbigay ng init
Naupos lamang sa aking paanan
Nagpasimula sa aking kalagiman

Sa kadiliman ay nabubuwang
Kabuuan ko’y kinakain ng lupa
Naghihintay na lamang ng sandaling
Mayayakap ang dumi at uling.

O kailan ulit mahahagkan
Rosas na palamuti sa ulunan?
O kailan ako muling matitinik
Kapag ito’y maipatog sa aking anit?

Nais ko na ika’y makasama
Makiramay sa’king pagkaulila
Sa ika-apatnapung araw
Inaasahan ang iyong pagbalik.


-- John David L. Comandante

No comments: