Wednesday, February 6, 2008

ISMAGOL

Naaalala ko pa, ako’y laging kasa-kasama
ng isang paslit na aking napahanga
Bagong-bago, matibay, makulay at murang-mura
Ito ang mga katangian kong naibigan niya.

Kaya nga’t sa ina’y namimilit pa
Hindi uuwi hangga’t ako’y hindi nakukuha
Tiyak na sa susunod na araw
Mga kaibigan ay mamamangha.

Saan man siya magpunta
ang iiwan ako’y di magagawa
Kahit sa paglalaro, habulan o tumbang-preso
ako ang nagpapanalo.

Alagang-alaga, hidi pahihiram sa iba
Sa mga lakad ay dapat laging dala-dala
Ngunit noon ‘yun,
Ngayon ay hindi na.

Sa ilalim ng marupok na kamang ito
Sa banding sulok na hindi masilayan ng liwanag
Kung iisipin ay matagal na rin
matagal na panahong ako’y iniwan ditto

Katawan ko’y kinakapitan ng alikabok
Sa mga singit ay binabalutan ng putik
Pakiramdam ko ay masikip
dahil sa mga duming sumabit

Amoy na hindi kaaya-aya
Kahit sino man ay hindi magtitiyaga
Kakambal ang isang basura
Tunay na kahiya-hiya.

Sa gabi ay kapiling ko
itong mga daga
Ako’y napapapak sa kagat
Buong magdamag ako’y ningangatngat.

Mga insekto ay pinamamahayan ako
Lamok, langgam o mapa-ipis man
ako ay walang kawala
Ang tulad ko ay may pakinabang pa pala

Ang mga gilid ay nawalan ng porma
Gomang tuluyang napudpod na
Kailanman ay hindi na maisusuot
Nanaisin pang ako’y ibaon sa limot.


-- Roxam Marie M. Borras

No comments: