Wednesday, February 6, 2008

D'YAN LANG

Sakay na! sabi ng Mama!
Umakyat siya, sa kaliwa.
Itinaas niya sa upuan ang kanyang mga paa,
Matutuyo naman daw ang buhok niya eh.
Nabanaag niya ang kabundukan;
Sumisigaw ang mga puno;
Umaapaw ang mga sanga;
Nagpapalit ang mga senaryo bawat segundo.

Ito na naman pala ako,muli;
Malululong na naman sa gasolina sa istasyon ;
May mauuntog na naman sa ilawan ko sa itaas ;
Mamumura na naman ako;
Dudulasin ko naman sila sa akyatan kapag umuulan ;
Malalanghap kong muli ang palda ng estudyante;
May nakadikit na kanin, nagmamadali na naman.

Aking napagtantong hindi parin ako preparado;
`Di matanggal ang trapal sa gilid ko ;
Napapaisod pa rin sa biglang preno ;
Napapaaray pa rin sa bawat angat ng pwet ko;
Nakakain ang buhok ng katabi ko;
Nagugulantang sa pagsayad ng transmission support.

Kinabayo na sa kakatawa ;
Sa mga nakasulat sa aking saya;
“Katas ng Saudi” at “God bless our trip”;
Basta sexy libre daw;
Nagpupulbos, pa-MP3, at tsismisan;
Napaling ang aking mga mata sa nag-abot ng bayad;
Amoy damo ang dibdib niya;
Naaalala ko siya, Naaalala ko siya.


-- Dalton Erick S. Baltazar

No comments: