Wednesday, February 6, 2008

KANDILA

Sa pagkakataong ito,
Ang mundo ko ay madilim.
Sa kwarto ko’y nag-iisa,
Walang ilaw, ‘pagkat brownout.
Naliligalig sa init,
Sa dilim di makakilos.
Kandila lang ang kasama,
Kandila lang ang nasa isip,
Kandila lang, wala nang iba.

Liwanag niya’y nakakasilaw,
Pati gamu-gamo’y nahahalina.
Pwede bang sa gabing ito,
Mapasaakin ka muna?
Ako’y iyong tuksuhin,
Hanggang mapaso’t maluha.
Kaparis nang ‘yong natutunaw na butil,
Luha ko nama’y tumutulo.

Ang pambihira mong ningning,
Mistulang galing sa higanteng tala.
Nakahimlay sa kalawakan,
Tinitingala nang sangkatauhan.
Pwede bang ako rin ay tingalain?

Noong aking kaarawan,
Ikaw pa ang naging bida.
Nakatirik sa bertdey keyk kong
Bulaklakin at makulay.
Habang ako’y inaaliw,
Nang nagsasayawan mong apoy,
‘Sang kahilinga’y sinambit.
Kahilingan ko sana’y tuparin,
Dinggin ng Poon nating Maykapal.

O kandila kong giliw,
Ikaw lang ang aking ligaya.
Ikaw lamang at wala nang iba.
Isip ko’y kayang lituhin,
Puso ko’y kayang patibukin.
Sapagkat ikaw ang lang ang gabay,
Sa sanga-sanga niring landas.

Subalit ngayo’y may ilaw na muli,
Sa liwanag, dapat ka nang limutin,
Dapat ka na munang itago.
Ngunit sana’y iyong malaman,
Madilim ang aking mundo
At isip ko ay tuliro
Sa tuwina’y ikaw ay ‘di kapiling.


-- Aileen L. Rosales

1 comment:

kaniN said...

bago ko simulan itong comment na ito ay nais ko lang ipahayag na hindi ako magaling gumawa ng tula pero kelangan lang talaga magcomment..pagpasensyahan na sana ng awtor ng tulang ito ang aking mga sasabihin..PEACE!!
sa unang stanza, mas maganda sana kung hindi mo na lang inilagay na brownout na kasi mas nagkaroon sana siya ng dating kung pinabayaan na lang na mailarawan yung paligid kasi nilagay din naman na madilim etc. Medyo naguluhan ako sa 2nd stanza kasi parang naipasok yung pagiging gamu gamo nung gamu gamo, parang hindi na yung kandila yung main object mo. Siguro mali lang ang pagkakaintindi ko sa stanza na iyon pero parang naagaw kasi ng gamu gamo yung limelight at parang siya na yung inilalarawan mo sa stanza na iyon.
Habang binabasa ko ang kabuuan ng tula medyo naguguluhan pa din ako kasi parang lumalayo na sa katangian ng kandila pero masasabi kong puno ito ng damdamin pero mas mahusay sana kung hindi nawala yung karakter ng kandila sahil sa kagustuhan ng awtor na magpahayag ng damdamin niya. Saka masyadong mahaba yung tula kaya parang nawalan na ng dating pagdating sa bandang huli. Hindi na kinaya ng tula na maenganyo pa ako na basahin hanggnag dulo na paulit ulit kasi ang boring na nga pagdating sa dulo.
muli,PEACE!!hehe

-donor, rgbd