Wednesday, February 6, 2008

BATINGAW

Sa bukang liwayway aking nilulunggati
Sinag ng araw sa aki’y bumabati
Nilulukob ang buong kapaligiran
Binabalot ang buong sangkatauhan

Sa may tuktok ng altar matatagpuan
Animo’y hari ang kinalalagyan
Abot tanaw gusali at kabundukan
Abot kamay maging mga tala at buwan

Ngunit sayang din naman itong tanawin
Kung pakpak naman ang napagkakaitan
Hindi tulad ng ibong nakalilipad
Ako ay tila estatwang sawimpalad

Napakalamig kung iyong yayakapin
Walang init ang lumalabas sa akin
Sa ‘king katawang binubuo ng bakal
Purong kalawang ang sa iyo’y sasakmal

Kung kaya’t sino ang may lakas ng loob
Ang sa akin ay humaplos lamang sana
Sa biyaya ng Diyos sa tao’y lumukob
Tanging lubid ang siyang naging biyaya

Kapag ang lubid na ito’y hihilahin
Tanda na ito ng aking pangingilin
Ang impit na hiyaw ang mamumutawi
Babasag at gigising sa isang gabing
Puno ng nakabibinging katahimikan.


-- Anchilie G. Francisco

No comments: